Sunday, February 1, 2009

Modista del Corazon

Chapter 9
Binibihisan ni Aling Desta si Diana. “Ayan, kita mo na, nangangayayat ka nang talaga. Maluwag na sa ‘yo ‘tong tinahi ko.”
“’Nay, alam ko namang malaki sa sukat ko ang tinatahi n’yo para mapaniwala akong pumapayat na ako,” sabi ni Diana.
Naaalala ni Diana ang mga pagkakataong ginagawan s’ya ng damit ni Aling Desta. Laging maluwang ang mga damit na itinatahi ni Aling Desta sa kanya.
Nu’ng una’y, maliit sa sukat ni Diana ang ginagawang damit ni Aling Desta. “Para mapilitan kang magpapayat, para magkasya ka sa damit,” ang malimit nitong sabihin sa anak nu’ng nasa elementarya pa lamang si Diana.
May mga pagkakataon ding binalak ni Diana ang magpapayat. Naririndi na rin s’ya sa mga kantiyaw ng mga kamag-anak nila. “Naku Diana,” ang sinasabi ng isa n’yang tiya, “Grade IV ka pa lang e masikip na sa ‘yo ang blouse ko.”
“H’wag ka kasing magkanin,” ang sinasabi naman ng isa pa n’yang tiya, “tingnan mo, sa isang taon ka magha-high school, mas malaki na ang sukat ng bewang mo sa bewang ko.”
“Baka walang manligaw sa ‘yo n’yan,” ang sabi naman ng isa n’yang tiyuhin, “ang mga lalake, ang gusto laging sexy.”
Bago makapagtapos ng elementarya si Diana, malapit na sa 200 lbs. ang timbang n’ya. Pinagdaanan at napagtiisan na n’ya ang mga tuksong: baboy, tabang-baboy, refrigerator, dram, tabatsoy, tabatsingtsing, dambu (hala), balyena, elepante, higanteng bola, pata, at paboritong itukso sa kanya ng mga kaklase n’ya sa elementary, ang Diana Dabiyana.
Malapit na ang graduation nila sa elementarya nang makipag-away si Elo kina Maloy at Ron-Ron dahil sa panunukso ng mga ito kay Diana. Nagpa-practice sila ng graduation nang madapa si Diana sa pag-akyat n’ya ng stage.
“Lumba-lumba ka kasi!” kantiyaw ni Maloy habang tumatawa.
“Si Diana, dabiyana!” hirit naman ni Ron-Ron.
Lalong nagtawanan ang mga naroon. Nilapitan ni Elo si Maloy at sinuntok sa mukha. “H’wag mong tutuksuhin si Diana.”
Sinugod ni Ron-Ron si Elo, sinipa s’ya ni Elo. Kinubabawan ni Maloy si Elo. Sinugod ng mga kaibigan ni Elo si Maloy at sinugod din ang mga ito ng mga kaibigan naman ni Maloy. Nagkagulo ang mga graduating na bata.
Sigaw ng sigaw na ang kanilang principal, ayaw pa ring paawat nina Elo at Maloy. Ilang teacher na rin nila ang nahagip ng mga suntok at sipa nila habang inaawat sila. Sa huli, nagtagumpay ang mga P.E. teacher nilang lalake sa paghihiwalay kina Elo at Maloy.
Balak na sana ng prinsipal na hindi na pasamahin sa graduation sina Elo at Maloy bilang parusa sa mga ito nguni’t nakiusap ang mga magulang nila.
Matapos ang graduation, nagpasalamat si Diana kay Elo. “Ngayon lang uli tayo nagkita. Thank you ha?”
“Saan?”
“Hindi ka pinapayagan ng mommy mong lumabas ng bahay nu’ng isang linggo kasi nakipag-away ka kay Maloy.”
Gustuhin mang ngumiti ni Elo, hindi n’ya ito lubusang magawa dahil may nakatapal pang gasa sa kaliwang pisngi n’yang nasapak ni Maloy. “A ‘yon? Wala ‘yon. Ayokong tinutukso ka.”
“Sana hindi mo na lang sila pinansin. Sanay na naman akong tinutukso nila e.”
Nais din sanang ngumiti ni Diana, nguni’t may nakatapal pang gasa sa baba n’ya dala ng pagkakatama nito sa palapag ng hagdan ng kanilang stage.
“Sana papayat ka sa high school para hindi ka na tuksuhin.”
Mula nang sabihin ‘yon sa kanya ni Elo, sineryoso na ni Diana ang pagpapapayat. “Aba Anak,” pansin sa kanya ni Aling Desta, “kahapon ka pang hindi kumakain. Mamaya n’yan payat ka nga, may sakit ka naman.”
“E ‘Nay, di po ba gusto n’yo rin naman akong pumayat? Saka ayaw n’yo ‘yon, makakatipid tayo sa pagkain.”
Tuwing umaga’y sumasabay si Diana sa isa n’yang tiya sa pagja-jogging. “Dapat talaga araw-araw nagja-jogging,” sabi ng kanyang tiya, “makikita mo’t magiging sexy ka ring katulad ko.”
Nakakaisang buwan na sa pagtitipid sa pagkain at araw-araw na pagja-jogging si Diana’y hindi pa rin nababawasan ang kanyang timbang.
“Aba, e naging 54 pa ‘tong bewang mo,” puna ni Aling Desta habang sinusukatan ng medida ang bewang ni Diana. “Hindi ba dati’y 48 lang?”
“Hindi na nga po ako kumakain ‘Nay e.”
Pinagpas’yahan ni Aling Destang kumunsulta sa mommy ni Elo. “Parang lalo s’yang lumalaki e,” paliwanag n’ya sa mommy ni Elo. “Lalo na nitong dinatnan na s’ya.”
Tinulungan sila ng mommy ni Elo upang kumonsulta sa espesiyalista. Napag-alaman nilang may diperensya pala sa thyroid si Diana, na kahit anong gawin nitong pagpapapayat ay hindi uubra. Lalaki at lalakit s’ya, tataba at tataba.
Hindi man n’ya pinaaalam sa kanyang ina, napansin ni Aling Destang dinamdam ni Diana ang nalamang sakit. Lalong hindi kumain si Diana, kung dati-rati’y binabawasan lang nito ang kinakain, ngayo’y ilang araw na itong nagtitiyagang tubig na lamang ang ipanglaman sa tiyan. Kung dati-rati’y sa umaga lamang ito nagja-jogging, ngayo’y maging sa hapon at gabi na rin. Hindi man aminin ni Diana sa ina, dama ni Aling Destang nilalabanan ng anak ang sakit. Alam n’ya, gustong magpapayat ni Diana. Alam n’yang gusto nitong pumayat dahil kay Elo.
“Maganda po s’ya, maputi, maamo ang mukha,” kwento ni Diana kay Aling Desta, “saka po, hindi s’ya mataba.”
“Kaya naman pala nagustuhan ni Elo.”
Tumahimik no’n si Diana, nagseryoso sa nilililipang palda. Napansin ni Aling Desta ang lungkot sa mukha ng anak. “Ikaw nga’y magtapat,” sabi n’ya, “ikaw ba’y may gusto kay Elo?”
“Ang Nanay naman.”
Tinigil ni Aling Desta ang pagpadyak sa pedal ng makinang panahi at tiningnan si Diana. “Aba’y ano naman ang masama kung magkagusto ka kay Elo? Ang sinasabi lang naming lagi sa ‘yo ni Father Ruel, hindi lang dapat sineseryoso ‘yang pagkakagustuhang ‘yan at ke bata-bata n’yo pa.”
“Wala po s’yang gusto sa akin.”
Nilapitan ni Aling Desta si Diana. Natuon ang tingin nito sa nilililipang palda ni Diana. “Tingnan mo, nagkakabuhol-buhol ‘yang paglililip mo. Akina nga.”
Kinuha ni Aling Desta ang palda mula kay Diana, ipinakita kung pa’no ang tamang paglililip. “Sinabi nang ganito e.”
“Magkaibigan lang po kami ni Elo.”
“Ang tinatanong ko sa ‘yo ay kung may gusto ka ba kay Elo,” sabi ni Aling Desta habang pinagpapatuloy ang paglililip.
“Hindi naman po n’ya ako magugustuhan.”
Napabuntong-hininga si Aling Desta. “Hindi mo masagot ng diretsahan ang tanong ko. Bakit ba ayaw mo pang amining nagkakagusto ka na kay Elo?”
“E ‘Nay --”
“Sabay na kayo halos lumaki at halos kapit-bahay lang natin sila. Magkasundong-magkasundo na kayo kahit dati pa. Hindi naman kita pipigilan kung magkakagusto ka sa kanya, mabait na bata naman s’ya. Ang sa akin lang, h’wag mo naman sanang seryosohin. Gusto lang naman naming ng tatay mo at ni Father Ruel na makapagtapos ka ng high school.”
Inabot ni Diana ang palda. “Ako na po.”
“Nakikinig ka ba?”
“Opo.”
Hindi na ipinalam pa ni Aling Desta sa anak na alam n’yang nahihiya lamang si Dianang amining may nagkakagusto na ito kay Elo dahil sa nahihiya ito sa katabaan n’ya. Upang bumuti-buti ang pakiramdam ng anak, sinimulang ipagtahi s’ya ni Aling Desta ng mga damit na maluwag.
Sasabihin n’ya kay Dianang, sinunod n’ya ang tamang sukat ng katawan ng anak nguni’t dinadagdagan n’ya ng isang pulgada ang bawat tinatabas na bahagi ng damit upang mapaniwala ang anak, kahit paano, na pumapayat na ito.
“Aba, ako pa ba ang magkakamali sa sukat, ke tagal ko nang nanahi e,” sagot ni Aling Desta sa pagkabuko ni Diana sa kanyang pananahi para sa kanya.
“Ang Nanay talaga, hindi pa rin nagbabago,” pilit ang ngiti ni Diana. “Baka magsidatingan na po ang mga bisita, hindi pa ata tayo handa.”
“Hayaan mo na si Dino sa kusina, s’ya naman ang mahilig magluto.”
Binuksan ni Aling Desta ang isa sa mga sisidlan sa makinang panahi. Kumuha s’ya ng sinulid at karayom. “Ayan ha,” sabi n’ya kay Diana, “itatama natin ang sukat ng damit mo.”
Hinapit ni Aling Desta ang damit ni Diana sa bewang. “Baka magulat sila’t ang seksi mo na,” sabi nito habang tinatahi ang hinapit na bahagi ng damit.
Hinawakan ni Diana ang kamay ni Aling Desta. “’Nay, tama na po. Hindi ko na po pinangarap ang maging seksi. Tanggap ko pong ganito na talaga ang katawan ko.”
Napatungo si Aling Desta. “Bakit ba ikaw pa? Lagi na lang ikaw.”
“’Nay --”
Iniupo ni Aling Desta si Diana. Kinuha n’ya ang isang suklay na nasa isa sa mga sisidlan sa makinang panahi. Sinimulan n’yang suklayan si Diana. “Isang linggo halos na hindi natutulog ang tatay mo nu’ng maipanganak kita. Wala na s’yang ginawa kundi tingnan ka, kargahin, halikan, hawakan, pisilin, at kagatin sa tiyan.”
“Mapagmahal po talaga ang Tatay.”
“Tuwang-tuwa s’ya at napakalusog daw ng anak namin. Nu’ng una kang nagkalagnat at nangayayat, hindi mapakali ang tatay mo. Kulang na lang bilhin n’ya ang lahat ng bitamina sa botika para manumbalik lang ang dating katawan mo.”
Humindig si Diana sa dibdib ng ina. “Noon ‘Nay, tinatanong ko ang Diyos kung bakit limang taon ko lang nakasama ang Tatay. Ngayon alam ko na po.” Hinarap ni Diana si Aling Desta. “Ayaw ng Diyos na masaktan ang Tatay, kung makita n’ya akong ganito kalaki at ganito ang kalagayan.”
Ngumiti si Aling Desta. “Binabantayan pa rin n’ya tayo, lalo ka na. Mahal na mahal ka ng ‘yong tatay.”
“Ako ang ayaw n’yang papasukin sa ospital nu’ng naghihingalo na s’ya.”
“Ayaw n’yang makita mo s’yang naghihirap dahil ayaw ka n’yang masaktan.”
Bumalik sa pagkakahindig si Diana sa dibdib ng ina. “Sana hindi n’ya ako binabantayan upang di rin n’ya nakikita ang paghihirap ng katawan ko.”
“Basta tatandaan mo, para sa kanya, ikaw ang pinakamaganda.”

0 comments: