Sunday, February 1, 2009

Modista del Corazon

Chapter 26
Kinakabahan si Elo sa pagkakatayo malapit sa altar. Ilang ulit na rin n’yang tiningnan si Father Ruel. Lagi namang tinatanguan lamang s’ya ng pari.
Dumating na rin sa wakas ang hinihintay ni Elo. Lumakad na itong papalapit sa kanya.
Tinaas ni Elo ang belo. “Akala ko hindi ka makakarating.”
Ngumiti si Trina. “Ikaw ang nale-late, hindi ako.”
Pagkatapos ng kasal, dumiretso sina Elo at Trina sa libingan ni Diana.
“Sinuot ko ang traje de bodang tinahi mo, tulad ng bilin mo,” sabi ni Trina, “hindi ko pinadagdagan ng mga perlas.”
“Tulad ng sabi mo, sa huli kami pa rin,”sabi ni Elo habang inilalapag ang dalang bulaklak sa puntod ni Diana.
Naglakad silang palayo sa puntod ni Diana. Nakaakbay si Elo sa babaeng tunay n’yang mahal, suot nito ang traje de bodang dala ang pagmamahal para sa kanya ng tanging babaeng humabi sa puso n’ya ng katotohanang iba ang awa sa pagmamahal, iba ang kaibigan sa tunay na tinitibok ng kanyang puso.

W A K A S

Modista del Corazon

Chapter 25
Naalimpungatan mula sa pagkakaidlip si Elo. Napabalikwas s’ya dahil wala na sa tabi n’ya si Diana. Nakita n’yang nasa may makina si Diana, hawak ang wedding gown.
“Nananahi lang ako,” mahinang sabi ni Diana.
Tumayo si Elo at nilapitan si Diana. “H’wag ka nang manahi. Matulog ka na. Tinanggal mo na naman ang dextrose mo.”
Nakita ni Elo ang pagpupumilit ni Dianang mahawakan ang perlas sa tamang lugar nito sa laylayan ng wedding gown. Muli’t muli’y nabibitawan ni Diana ang perlas at muli’t muli’y kumukuha na lamang ito ng panibagong perlas. Dumudulas na rin ang karayom mula sa mga kamay ni Diana. Ilang ulit n’ya ring pinagpilitang itusok ito sa wedding gown nguni’t sa tuwina’y dumudulas lamang ito.
Hinawakan ni Elo ang kamay ni Diana. “Tama na,” ang sabi n’ya.
“Malapit na ang kasal.”
Inilayo ni Elo ang wedding gown kay Diana. “Hindi naman ‘to ang susuotin mo.”
“Pero ‘yon ang pangako ko.”
Niyakap ni Elo si Diana. “Tigilan mo na Diana, utang na loob. Tama na.”
Inakay ni Elo si Dianang pabalik sa kama. Inihiga n’yang muli ito. Inaayos n’ya ang dextrose ni Diana nang muling magsalita ito.
“H’wag,” sabi ni Diana. “Sayang lang ang dextrose. Hindi ko na rin ‘yan magagamit.”
Humiga sa tabi ni Diana si Elo. “Matulog ka na,” masuyong sabi n’ya.
“Ayokong matulog. Kung makaidlip ako, gisingin mo ako. Gusto kong lasapin ang bawat segundong ilalagi ko pa sa mundo.”
Hinagkan ni Elo si Diana sa noo.
“Gusto kong lasapin, Elo,” patuloy ni Diana, “ang bawat sandaling makakapiling pa kita.”
“Bukas na bukas din, magpapakasal tayo.”
“Yakapin mo ako.”
Niyakap ni Elo si Diana. Nadrama ni Elo ang paghabol ng hininga ni Diana.
“Halikan mo ako.”
Hinalikan ni Elo ang mga labi ni Diana.
“Sabihin mong mahal mo ako.”
“Mahal kita.”
Matagal na tinitigan ni Diana ang mga mata ni Elo. Ngumiti ito.
“Salamat.”
“Mahal kita, tandaan mo ‘yan.”
“’Yan ang babaunin ko sa kabilang-buhay.”
At tuluyang pumikit si Diana.

Modista del Corazon

Chapter 24
Pinalabas na ng hospital si Diana. Naro’n sina Elo, Dino, Maloy, at Ron-Ron, nagtutulungang maiuwing muli si Diana sa kanilang bahay. Hindi magawang tingnan ni Aling Desta ang anak, nagkulong na lamang s’ya sa kanyang kwarto at nagdasal. Multong bumabagabag sa kanya ang tinig ng doktor. “Iuwi n’yo na lang po s’ya,” sabi nito, “wala na po talaga kaming magagawa. Sa bahay n’yo na lang n’ya hintayin ang oras n’ya.”
Malungkot na nagkumpulan sa labas sina Dino, Maloy, Ron-Ron. Hindi na napigilan pa ni Dino ang maiyak. “Kaka-approve lang ng application ko sa New Zealand.”
Inupo s’ya nina Maloy at Ron-Ron sa bangkong nasa tabi lamang ng pintuan ng bahay nila. Naupo na rin ang dalawa.
Napatungo si Maloy, pilit tinatago ang namumuong luha sa kanyang mga mata. “Napakahilig kong tuksuhin ang Ate mo noon. Pero nu’ng ma-deport ang Kuya ko dahil napagbintangang nagnakaw, s’ya ang unang tumulong sa amin.”
Napatingin si Dino kay Maloy. “Hindi n’ya kinukwento ‘yon,” patuloy ni Maloy, “at ayaw n’ya ring sabihin pa namin ni Nanay sa iba. Inabutan n’ya ng pera ang Nanay. Malaki raw ang kinita n’ya dahil tatlong kasal ang pinagtahian n’ya. Sabi n’ya pag-aralin daw ako ng Nanay para makabawi muli kami.”
Tuluyang napaiyak si Maloy. “’Yun ang ginamit ko nu’ng papasok ako sa Navy. Kung hindi ako nakapag-Navy, baka hindi ko nakilala ang napangasawa ko. Baka hindi ako naging maligaya.”
Nagsindi ng sigarilyo si Ron-Ron. Dinukot n’ya ang kanyang wallet, naglabas ng pera at inabot ang kamay ni Dino. Inilagay n’ya ang pera sa kamay ni Dino.
“Hindi ‘to abuloy,” sabi ni Ron-Ron. “Kabayaran ‘to, para sa lahat ng pagkakataong pinagtatahi ako ng Ate mo ng libre para may magamit akong magandang damit nu’ng nagsisimula pa lang akong mag-med rep.”
Ikinuyom ni Ron-Ron ang kamay ni Dino. “Gamitin mo,” sabi pa nito. “Tuparin mo ang mga pangarap ng Ate mo. Gusto n’ya ring maging nars, alam mo ba? Doktor pa nga ata e.”
Yumakap si Dino kay Ron-Ron at yumakap din s’ya kay Maloy. Ilang sandali pa’y nagpaalam na si Maloy at si Ron-Ron. Pumasok ng bahay si Dino. Nakita n’yang magkatabing nakahiga sina Diana at Elo. Nakapikit si Diana. Tiningnan ni Elo si Dino. Tumango si Dino kay Elo at tinungo n’ya ang kwarto ni Diana.
Noon lamang muling napansin ni Dino kung ga’no kaliit ang kwarto ni Diana. Halos hindi pa magkasya ang magkakatabing kama, mesita, maliit na tokador, at maliit na aparador dito.
Umupo si Dino sa kama ni Diana. Dati-rati’y labis na kinatutuwa ni Dino ang pagpayag ni Dianang ibigay na lamang kay Dino ang higit na malaking kwarto. Ngayo’y nakokonsensya si Dino. “Lahat na lang,” naisip n’ya, “binibigay ni Ate sa akin.”
Natuon ang mga mata ni Dino sa mesitang nasa tabi ng kama. Sa mesitang ‘yon lagi n’yang dinudukutan ng inipong pera si Diana nu’ng maliliit pa sila. Minsa’y nahuli s’ya nitong kinukuha ang baryang nasa alkansyang nakapatong sa mesita. Natakot si Dino no’n, natakot s’yang isumbong ni Diana sa kanilang ina dahil ang laging sinasabi ng kanilang ina sa kanila’y, “Di bale nang mahirap tayo, h’wag lang kayong magnanakaw. ‘Pag nahuli ko kayong nagnakaw, puputulin ko ang kamay n’yo.”
Nahulog ni Dino ang alkansya ni Diana dala ng gulat at takot. Pinulot ni Diana ang alkansya at isa-isang inihulog muli dito ang mga baryang nalaglag din. Nu’ng maihulog na ni Diana ang kahuli-hulihang barya sa alkansya, tiningnan n’ya si Dino. Inabot n’ya kay Dino ang alkansya.
“Magsabi ka lang,” halos pabulong na wika ni Diana, “ang lahat, ibibigay ko rin naman sa ‘yo e.”
Ipinatong ni Dino sa mesita ang perang binigay ni Ron-Ron. Binuksan n’ya ang drawer ni Diana. Nakita n’ya ang mga larawan nila nu’ng bata pa lamang sila. Lumaking ayaw magpalitrato si Diana. “Nakakahiya,” ang laging sinasabi nito, “’pag me nakakita sa picture sasabihin na namang ang taba-taba ko.”
Tiningnan ni Dino ang mga larawan. Ang isa’y nu’ng binyag pa lamang ni Diana. Naroon at ang kanilang namayapang tatay at masayang-masaya ang pagngiti habang karga si Diana. Napapagitnaan s’ya ni Aling Desta at ng ina nito.
Wala nang masyadong maalala pa si Dino tungkol sa kanilang tatay. Nakilala na lamang n’ya ito base sa mga kwento ni Aling Desta at ng kanilang lola. “Mabait, masayahin,” ang laging sinasabi ni Aling Desta. “Pasensyoso, masipag,” ang lagi namang sinasabi ng lola nila nu’ng nabubuhay pa ito.
Pitong taong gulang na si Dino nu’ng namatay ang kanyang lola. Nag-ulyanin ito at hindi na sila nakilalang lahat. Nu’ng araw na mamamatay na ito, sa mismong lugar kung saan ngayo’y nakaratay si Diana, naro’n din ang kanilang lola, sa tabi ng makinang panahi na ikinabuhay at ikinabubuhay pa rin nila.
Tinawag s’ya ng kanyang lola. “Asan si Diana?” ang tanong nito.
Saglit na nagulat din si Dino dahil naalala pa ng kanilang lola ang pangalan ni Diana gayong lagi na lang iba’t ibang pangalan ang itinatawag nito sa kanila. Lumabas si Dino at pinuntahan si Diana sa bahay nila Elo kung saan ito naglalaro.
Pagdating nila sa bahay nila, tinuro ng lola nila ang makinang panahi at tiningnan si Diana. “Pamana ko sa ‘yo,” sabi nga kanilang lola. “Ikaw na ang bahala sa kanya,” dugtong ng kanilang lola sabay turo kay Dino.
Tiningnan ni Dino ang likuran ng picture ng binyag ni Diana. Doo’y nakasulat ang petsa ng kamatayan ng kanilang ama at ang petsa ng kamatayan ng kanilang lola. Sa ilalim ng petsa ng kamatayan ng kanilang lola nakalagay ang mga salitang: kung kanino ko namana ang makinang panahi. At sa ilalim ng petsa ng kamatayan ng kanilang ama, nakasulat naman ang: Mahal na mahal ako ng Tatay.
Hindi napigilan ni Dino ang muling mapaluha. Tiningnan n’ya pa ang ibang larawan. Naro’n si Diana sa kanyang first communion, suot ang damit na itinahi ng kanilang ina at ang tela’y binili ni Father Ruel. Hindi na kita sa picture na dinugtungan lamang ni Aling Desta sa likuran ang damit. Kapos ang telang binili ni Father Ruel para kay Diana. Sa likod ng picture nakasulat naman: Thank you, Father Ruel, nakasuot din ako ng puting damit, parang sa ikakasal sa simbahan.
Nakita ni Dino si Diana sa 7th birthday nito. Maluwag ang ngiti habang inaakbayan ni Elo. Naalala ni Dinong s’ya ang dahilan kung bakit ayaw nang maghanda ni Diana sa tuwing sasapit ang kanyang kaarawan. “E di sa bertdey na lang ni Dino, para mas maraming handa. Pareho din namang bertdey ‘yun e.”
Ang huling larawan ay ang kuha ni Diana at ni Elo nu’ng graduation nila sa high school. Nakaakbay muli si Elo kay Diana nguni’t hindi ito sa camera nakatingin. May ibang nililingon ito habang si Diana nama’y nakangiting nakatingin kay Elo. Sa likod ng picture, nabasa ni Dino: Ang taong pinakamamahal ko.
Binalik ni Dino ang mga larawan sa drawer ng mesita. Nakita n’ya ang sarili sa salamin ng maliit na tokador. “Nahuli kitang nagsasayaw noon,” sabi ni Dino, “gustong-gusto mong mag-gown pero nahihiya ka sa katawan mo.”
Lumapit si Dino sa tokador. Napansin n’yang suklay at alcohol lamang ang nakapatong rito. “Kahit pulbos ayaw mong bumili para sa sarili mo,” nausal n’ya.
Binuksan n’ya ang isang drawer ng tokador. Nakita n’ya ro’n ang mga retasong ginagamit na pasador ni Diana, maayos sa pagkakatiklop. Binuksan ni Dino ang aparador ni Diana. Maayos ang pagkakalagay sa mga damit nito. Kinuha ni Dino ang isang blusa. “Ito ang suot mo sa JS Prom.”
“Para namang tuwalya sa laki,” ang naaalala n’yang nasabi n’ya nu’ng natapos na itong tahiin ng kanilang ina.
Dala ang blusa, umupong muli si Dino sa kama ni Diana. Niyakap n’ya ang blusa at muli, s’ya’y humagulgol.